top of page

Isip Laban sa Puso (Sino ang hahatol?)

  • Writer: Admin
    Admin
  • May 26, 2010
  • 2 min read

Heto na naman, naglalakbay ang aking kamalayan. Pagkadaka’y bumubulong sa isipan ang alaala ng isang kaibigan-- ang pagnanais na makalimot sa nadarama, ang pagtakas sa mapanlinlang na Puso na tila may sariling pag-iisip. Gumugulo sa aking pang-unawa ang unti-unting niyang muling paglapit. Hindi ko maintindihan ang pakahulugan ng kanyang pagbibigay-pansin. O maaaring nagkakamali lamang ako. Hindi ako nararapat malito. Tama man o mali, hindi na maaari. Hindi na muling maibabalik ang dating pagsasama. Tapos na. Pilit na nililisan ng aking isip ang pag-asa. Lumayo! Tumakbo! Ngunit napakahirap pagtagumpayan ang damdamin. Nagpapalala ang pagdududa na marahil ay magkakatotoo ang isang pangako. Isang pangako na noon ko pa tinayuan. Pangako na bubuno pa ng halos limang taon bago mapatunayan. Limang taon? Samantalang sa loob ng dalawang buwa’y nagawa niya akong “mahalin” at iwanan.

Hindi ko na gusto pang balikan ang sa ami’y nagdaan. “Hindi ka para sa akin,” tugon ng Isip ko. Ngunit ang sambit ng Puso ko’y “Bakit mo pinangungunahan ang posibleng nakatakdang mangyari?” “Babaero siya!” mabigat na paratang ng Isip sa pag-aanalisa ng mga natutuklasan. Lalabanan ng Puso sa pagsabing “Marahil sa akin niya balak magseryoso.” “Ambisyosa! Sino ka ba para ipaglaban higit sa karamihan?” sigaw ng Isip. Sagot ng Puso, “Bakit hindi? Ako naman ang nagmahal sa kanya nang higit sa kaninumang sinuyo n’ya.” “Nakatitiyak ka ba? At papayag ka bang mahalin lamang niya dahil sa pagmamahal mo sa kanya? Baka magsawa rin s’ya. At baka hindi s’ya mangimeng saktan ka dahil sa paniniwalang hindi mo kayang mawala s’ya.” tanong ni Isip. Umiiling ang Puso sa pagtugon na “Hindi ganoon ang pagkakakilala ko sa kanya.” Punto por punto. Pareho silang may katwiran. Ngunit isa lamang ang nais kong asahan—ang kalooban ng Diyos. Gayunpaman, hindi ko pa rin ito nalalaman. Maghintay—natatanging solusyon. Palayain ang puso sa tanikala na nag-uugnay sa lalaking mahal ko. Bigyang-pagkakataon ang sarili na magmahal ng iba. Manalangin. Harapin ang kinabukasan na may pag-asang may inilaan na pag-ibig na aking makatatagpo ng landas—o maaaring nakatagpo ko na nang hindi ko namamalayan. May itinakdang panahon para diyan. Huwag madaliin. Huwag magsawa. Ang pag-ibig ay matiyaga.

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags

© 2020 by Janina Jayme. Proudly created with Wix.com

bottom of page