LQ: Bukas Na Lang
- Admin
- Oct 17, 2017
- 2 min read

Inaaliw ang sarili sa saliw ng ng bawat tipa sa tiklado ng kompyuter. Sinisikap maging abala upang hindi maisip na wala ka sa araw nating mahalaga. Humahanap ng pagkakaabalahan bagama’t walang gana. Ito’y araw ng pahinga ngunit pinili kong gumawa. Wala ka. Nauunawaan ko naman ang dahilan. Hindi naman ako mangmang. Subalit ang puso ko’y binabalot ng pangungulila at kalungkutan. Alam ko naman na ito ay panandalian lamang ngunit tila baga kumakawala ang puso ko at hinahanap-hanap ang presensya mo.
Lumilipas ang bawat minuto. Mahaba-haba na rin ang natatapos ko. Pinag-aaralan ang mga gastusin at ang mga naipon, iniisip na para sa atin ito sa mga susunod na panahon. Naghahanap ng paraan para mapalaki ang naimpok para sa pagkakataong tayo’y magpasya na, mayroong magagamit para sa pangarap nating kapeterya. Ginawa ang trabaho, upang lungkot ay maglaho. OA lang ba ‘ko? O sadyang nangungulila ako nang sobra sa’yo?
Hinihintay ang mensahe mo, nais marinig ang mga kwento mo. Kung ano’ng anyo ng mga ulap sa himpapawid sa iyong muling paglakbay sa eroplano; ano ang ginagawa mo kasama sila sa mga oras na ito; at nagamit mo na ba ang laruan mong bago? Nasasabik din na ibalita sa iyo na mapapalago ko ang ipon ko. Ngunit nang sabihin ko, hindi ka interesado. Matagal ang pagitan ng bawat paramdam. Alam ko, marami kang pinagkakaabalahan. Hindi naman siguro iyon kabalbalan ngunit mahirap ang pakiramdam na tila ako’y nakakalimutan.
Gumagabi na. Ang dami ko pa sanang nais ibahagi sa’yo. Natahimik na lang ako nang sabihin mo, “Magpapahinga na ako. Bukas na lang, pagod na ako.” Ang babaw ng luha ko. Pumatak nga ito. Ipinaramdam ko na ako’y nagtatampo. Umiwas sa pagtatalo kaya sinabi mo, “Kumusta ka pala, mahal ko?” Hindi ako ipinanganak kahapon, alam ko ang totoo sa napilitan lang magtanong. “O sige na, magpahinga ka na,” ang aking naging tugon. Lumipas ang oras, hinihintay ko ang iyong pagsuyo. Baka naman sakali, mapansin mo ang aking pagtatampo. Wala. Hinayaan mo na lamang. “O, sige, distancia amigo na lamang ako,” sa isip ko. Lalayo saglit baka sakaling maalala mo ako.
Kinabukasan, ako ay nanahimik. May kaunting mensahe ka ngunit wala akong imik. Katahimikang saglit ngunit ang puso ko ay sa sigalot binubulid.
Sa sumunod na araw, ikaw ay nakabalik. Nakausap kita, humingi ka ng pasensya. Ipinaliwanag ko ang punto ko at ang lungkot sa pagkamanhid mo. Humingi nga ng tawad, ngunit may halong sumbat. Ako pa pala ang may sala, ako raw ay nagmatigas pa. “Arte lang,” sabi mo. “Ayaw mo pang bitawan ang isyu.” Nakakainis, nakakatawa. Tila ang babaw ko pala. Para sa’yo, wala lang. Arte lang. May punto ka naman pero wala bang halaga ang aking nararamdaman?
Arte lang. Yun pala ang tingin mo. Nag-iisip, hindi maaaring magtampo? Hindi ba pwedeng ang paghingi ng pasensya ay walang karugtong na “Ikaw kasi ganito.” O sige, mananahimik na lang muli ako. Arte ko lang. Kailan tayo muling mag-uusap? Baka sa susunod na mga bukas na lang.
Comments