top of page

Sana'y Mapansin Mo

  • Writer: Admin
    Admin
  • Oct 17, 2017
  • 2 min read


Hindi naman ako ang tipo na sabik sa atensyon ng maraming tao. Mas mailalarawan ako sa taong nanaising manahimik sa tahanan, magbigay-kalinga sa iba sa pamamagitan ng mga pribadong mensahe ng pag-asa at pag-aruga. Nagsasalita ako sa madla, hindi upang mapansin kundi maghatid ng balitang magbibigay-sigla.


Ngunit sa buhay natin, mayroon tayong taong nais nati’y tayo ay pagtuunan ng pansin. Maaaring kasamang kapamilya, taong tinitingala, o kaya nama’y taong mahalaga. Minsan, ang kanilang atensyon ay sapat na. Sapat na para sa ating kamalayan na hindi tayo nag-iisa sa mundong ibabaw; na kung mawala ka’y hahanapin ka ng taong ito.


Sana napapansin mo ako. Yung maramdaman kong sa aking mga galaw ikaw ay interesado. Makita sa mga mata mo ang kislap sa pagsilay sa mukha ko. Magkaroon ng pagnanais na makasama ako sa mga importanteng bahagi ng buhay mo.


Hindi ko naman kailangang mapansin ng lahat ng tao. Sapat na ang ikaw ay matanaw na nakatitig sa akin, tila namamangha sa simpleng katulad ko, sa tunay na ako. Sana mapansin mo ako; maramdamang ang bawat aspeto ng buhay ko ay nais mong hukayin, alamin, tunghayan ang bawat lihim. Hindi man maganda ang bawat bahagi ay tanggap mo pa rin.


Lumilipas ang mga taon at tila ang kasanayan sa presensya ng bawat isa ay isang payak at ordinaryong pangyayari na. Baka nauumay na. Huwag naman sana. Ganun pa rin ako sa’yo. Napapansin pa rin kita gaya nang unang patagong sulyap ko sa’yo dahil sa lihim na paghanga. Nasasabik pa rin ako sa bawat pagpatak ng araw na ikaw ay makakasama. Lumalaon, lumalalim, tumintindi pa rin ang pagmamahal. Hinding-hindi pa rin ako magsasawa sa iyo, mahal.


Dumaan ang mga bagyo at lindol kapara ng mga unos na umagos sa buhay nating dalawa. Ngunit ang pag-ibig sa iyo ay hindi kailanman nawala. Nagkalayo, nagkahiwalay, at nagkaaway na, ngunit patuloy na bumabalik, dumidikit, at nakikipag-ayos uli.


Sana mapansin mo pa rin ako katulad ng walang sawang pagdampi ng mga ulap sa bituin; katulad ng mga bubuyog na naghahanap ng talulot ng bulaklak sa hardin; katulad ng malalabong matang naghahanap ng salamin. Sana kailangan mo ako. Sana kailangan mo pa rin ako.


Magpapapansin pa rin ako sa’yo. Oo, eksklusibo para sa’yo. Hindi dahil sa kulang ako sa pansin; kundi nais ko lang na ako’y iyong hanapin. Hindi ko naman kailangan ang isang libong pares ng mga matang nakatunghay sa akin. Ang tanging nais ko lang naman ay ang iyong pagtingin; sana ay sa akin at sa akin pa rin.

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags

© 2020 by Janina Jayme. Proudly created with Wix.com

bottom of page