top of page

Isang Basong Tubig

  • Writer: Admin
    Admin
  • Dec 27, 2017
  • 1 min read

Huwag malunod sa isang basong tubig.


Rangya't talino ay pawang kamangmangan sa harapan ng Diyos kung ito ay ginagamit para sa kapalaluan. Isang basong tubig na kailanma'y hindi magiging sapat upang mapuno ang karagatan. Isang basong tubig na pilit ipinagyayabang.


Huwag magpaanod sa takbo ng mundo kung saan ang nais lamang ay masunod ang gusto. Ang nais ay magkamal ng malaking halaga, mairaos ang layaw ng makamundong pagnanasa, at makasariling pangarap ang kapritso.


Ano nga ba ang saysay ng tinatawag mong tagumpay kung kaakibat nito ay ikinukubling lumbay? Kung ang bawat galaw ay naghahanap ng pagtanggap at pagkilala, masasabi mo bang ikaw nga ay tunay na malaya? Kung hindi makontento hangga't hindi umaapaw ang pera sa bangko, may saya bang naidudulot ito sa iyo?


Huwag malunod sa isang basong tubig. Ang puso ko ngayo'y bahagyang nagpupuyos, nagngangalit. Bakit mayroong mga taong tila nilamon ng sistema ng mundong mapaimbabaw? Hindi ba nila alam na ang pagmamataas ay kapahamakan ang katumbas? Kung minsan, ang akala mo'y kay layo na ng iyong narating, iyon pala'y nasa pampang ka pa rin. Maagang nalunod sa maliliit na tagumpay; nagpapakahambog maging sa mga taong umagapay.


Tanong ko nga sa iyo: Ano na nga ba ang napatunayan mo?

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags

© 2020 by Janina Jayme. Proudly created with Wix.com

bottom of page